REVIEW: Lila ang Kulay ng Pamamaalam

10 Bagay na Magpapaalala Sa Akin na “Lila Ang Kulay ng Pamamaalam”
ni Eljay Castro Deldoc

Ang Imus Novel 3 ni RM Topacio-Aplaon ay isang kumpisal. Isang matapat na pagsisiwalat ng damdamin at alaala ng pangunahing tauhan na si Dylan. Isang matapang na pagbabahagi ng mga lihim at panimdim ng isang batang lalaki tungkol sa kanyang pagkamulat.

Madaling sabihin na ang nobela ay kwento ng pag-ibig. Subalit hindi rito nagtatapos. Ang salaysay ni Dylan ay komprehensibong mapa ng kanyang kamusmusan, mayamang tala-arawan ng mga pamilyar na karanasan, at isang bukas na liham ng pagtanggap at kapatawaran.

Aamin ko, hindi nasilo ni Aplaon ang aking interes sa unang tatlong kabanata ng nobela. Ngunit sabi ko, hindi ko susukuan ang pagbabasa. Mabuti na lamang. Dahil matapos ang 32 pahina, unti-unti na akong nabato-balani. Hanggang sa pakiramdam ko ay kapit-bahay na ako ni Dylan sa NIA Road. Pinakinggan ko ang kanyang pangungumpisal hanggang sa lubusan kong maunawaan kung bakit nga ba lila ang kulay ng pamamaalam.

Malungkot ang nobela. Isang mahabang elihiya sa isang lamay na hindi mo alam kung kailan ang wakas. Ngunit aalalahanin ko ang mga kwento ni Dylan ng may galak sa aking puso dahil pinaramdam niya sa akin ang isang uri ng dalamhating yumayakap, nagpapatahan, at nakalilikha.

Matapos kong masaksihan ang pinakamagandang dapit-hapon ng 2009 kasama si Dylan, baon ko ang 10 bagay na palaging magpapaala sa akin ng kanilang kwento.

1. Bisikleta
Sa tuwing makakakita ako ng lalaking nagbibisikleta na may angkas na babae, hindi na lang sina Johnny at Jenny ng koreanovelang Endless Love 1 ang maaalala ko. Sasariwain ng naturang imahen ang mga byahe nina Dylan at Yumi sa kahabaan ng NIA Road. Kaakibat nito ang pagsaksi nila sa pagbabagong bihis ng kinalakhan nilang lugar. [Mahusay na naiangkas ni Aplaon ang isyu ng mabilis na modernisasyon ng Imus sa mata ng magkakababata. Isa pang malungkot na mukha ng pamamaalam na lumutang sa nobela.]

2. Salamin ni John Lennon
Ayokong isipin na autobiographical ang nobela kahit pa bilog ang lens ng salaming suot ni Aplaon. Ganunpaman, palaging ipapaalala ng bagay na ito ang kahalagahan ng pagtupad sa pangako.

3. Japanese lantern
Hindi ko ikakaila na kinilig ako sa bahagi ng nobela kung kailan ginamit ang mga parol na ito. Naisahan ako rito ni Aplaon. Inggit na inggit ako habang nagbabasa. Gusto ko ring sumayaw ng El Bimbo habang tahimik na nagmamasid ang mga bituin.

4. Simbahan ng Liliw
Isang beses pa lang akong nakakapunta sa bayang ito sa Laguna. Sa pamamagitan ni Aplaon, narating kong muli ang Liliw. Napakahusay magpinta ng may-akda gamit ang mga salita. Sakaling makabibisita ako sa ikatlong pagkakataon, tutuntunin ko ang mga kalsadang nilakaran nina Yumi at Dylan. Kung may sapat na oras pa, hahanapin ko rin si Tita Sandra.

5. Toothbrush
“Bad breath ako, okay lang sa’yo?,” tanong ni Dylan kay Michelle sa pahina 305. Gusto kong umiyak pagkabasa nito. Ang sakit-sakit na makalipas ang ilang taon, bihag pa rin ni Yumi si Dylan. Sa kaso ko, matatagalan rin bago ko malimutan kung ano ang toothbrush para sa kanilang dalawa.

6. Plastik na mangkok ng Maggi
Malamang malabo nang makakita pa ako ng ganito. Pero mananatiling malinaw sa akin kung paano ginamit ni Aplaon ang isang simpleng mangkok bilang lunsaran ng makabagbag-damdaming love story ni Lolo Ramon. Hanggang ngayon nga ay ipinagluluksa ko pa rin sila ni Meowie.

7. Amorseko
Malapit din sa puso ko ang halamang ito dahil alaala ito ng aking pagkabata. Marami rin kasing amorseko sa pilapil ng palaisdaang binabantayan ng lolo ko. Sa lugar na iyon sa San Pascual, Hagonoy, Bulacan ako natutong lumangoy. Maraming beses na natitigilan ako sa pagbabasa dahil hinahatid ako ni Aplaon sa sarili kong nakaraan. Nagbabalik ang mga imahen ng ilog, bangka, duyan na gawa sa lambat, prinsa, dampalit, at marami pang iba.

8. Saranggolang asul at pula
Gaya ni Dylan, mapalad ako na nakaranas magpalipad ng saranggolang gawa ng tatay ko. Noon, walang kaparis ang pakiramdam na sa tayog ng lipad nito ay halos tuldok na lang ang nakikita. Ngayon, sakaling makakita ulit ako ng guryon, malamang ay makita kong nakangiti si Yumi sa akin. Ipapaalala niya kung paanong habang binabasa ko ang kanilang kwento ay kusa akong napaisip kung ano nga ba ang mga pinagdaanan ng batang ako. Kailan nga ba ako tinuli? Bakit nga ako sinampal ng crush ko nung Grade 2? Sino nga ba ang mga kalaro ko sa patuyuan [ang version namin ng Mangocado na hitik sa dagis at alatiris]? Ilan nga ang teks at goma na mayroon ako noon? Sino nga ba ang gumawa ng teleponong gawa sa lata ng gatas? Nasaan na kaya yung mga bastos na komiks ng lolo ko? Naaalala pa kaya ng ninong ko na nahuli nila kong sumisilip sa pinapanood nilang bold? Napakaraming tanong ang kasamang lumipad ng saranggola nina Yumi at Dylan. Matagal-tagal ko itong pagmumunihan.

9. Paldang hindi lalampas o aabot sa tuhod ang haba
Hindi lang naman siguro ako ang magsasabing si Yumi ay parang isang tauhan sa anime dahil sa kanyang bihis. At matatandaan ko siya dahil dito. Hindi ko man alam ang eksaktong itsura ng kanyang mukha, kilala ko naman ang kanyang porma. Sa pagsubaybay ko sa kumpisal ni Dylan, napamahal na rin si Yumi sa akin. Si Mayumi Mahinhin na sa totoong buhay ay kabaligtaran ng kanyang pangalan. Si Yumi na nagpaalala sa akin na “kailangan akong mangarap ng mga bagay na hindi siya kasama”. Si Lila na nagturo kay Dylan na “ang pagiging masaya ay isang bagay na ‘di lamang pinipili kundi pinaninindigan”. Hindi siya madaling malimutan; silang dalawa ni Dylan. Kagaya nina Ariel at Cleofe sa akdang “Sa Bagong Paraiso” ni Efren Abueg na hanggang ngayon ay isa sa pinakapaborito kong kwento.

10. Casette tape
Sayang dahil inanod o winasak na ng baha ang ilang casette tape na mayroon kami sa bahay. Ganunpaman, hindi mawawaglit sa isip ko na may isang dalagitang nagbigti gamit ang bagay na ito. Sa tuwing maririnig ko ang mga kanta ni Rico J. Puno, magbabalik sa alaala ko kung paano unang dinatnan ng regla si Yumi, kung gaano kaputi at kaakit-akit ang kilikili niya, kung anu-ano ang mga alam niya tungkol sa mga Hapon, kung kailan niya unang hinalikan sa labi si Dylan, kung saan itinago ni Dylan ang kumot na may dugo ng napunit na hymen ni Yumi, at kung bakit pinili ni Yumi na wakasan ang sariling buhay. Sa mga susunod na taon na haharapin ko bilang isang manunulat na tulad ni Dylan, aalingawngaw ang mga salitang minsang binitawan ni Yumi: “Minsan, hindi nakagagawa ng magandang alaala kung walang lungkot, takot, sakit.”

Minsang tinulaan ni Dylan si Yumi. Bilang pasasalamat sa kanyang pangungumpisal, nais ko ring alayan ng ilang taludtod ang pinakamamahal niyang kababata. Ito ang aking elihiya para kay Lila:

Amorseko

Sa tuwing binabagtas ko, Lila,
ang pilapil na minsang hinalikan
ng iyong mga talampakan,
dumidikit sa akin
ang mga dahon
ng tagni-tagni mong alaala—

kusang kumakapit
sa pantalon,
sa manggas,
sa balat;

mahirap
tanggalin—

masakit
kung sapilitang
aalisin.