Sapantaha: Kalipunan ng mga Maikling Kuwentong Spekulatibo at Imahinatibo

Tinutukoy ng “sapantaha” ang anumang hula, akala, o hinala. Kapag inilangkap sa sining ng pagkukuwento, ang ibinubunga’y pagsasakatawan din ng bisyon ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, na hindi kinakailangang nakasalansan sa nakasanayan. Tinipon ng mga editor ang mga kontemporaneong kuwento sa Sapantaha sa hangaring hagipin ang kasalukuyang imahinasyon ng mga Pilipino. Maaaring tingnan ang koleksiyon bilang tinipong mga mito, mga piniga’t pinarikit na mga karanasang tumutugis sa nakasanayang pagpapatotoo at pagkatotoo. Kumikilos ang mga tauhan na wari bang naghahanap at, panaka-naka, natutukoy nila ang halaga ng mga nawala at epekto nito sa kanilang kawalan. Bilang simulain ng kuwento, binabadya rin ng Sapantaha ang pagbasag sa lente ng realismo, na lagi’t laging ang nakikita, nasasalat, at nadarama’y hindi lamang ang nakatakda, hindi lamang ang ikinukuwento.

HINGGIL SA MGA EDITOR
Luna Sicat Cleto
Si Luna Sicat Cleto ay nagtuturo ng malikhaing pagsulat at panitikan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Awtor siya ng Makinilyang Altar (UP Press, 2003) at Mga Prodigal (Anvil Publishing Inc., 2010). Makata, mananaysay, at mandudula, nagkamit na si Luna ng mga gawad mula sa Gawad CCP para sa Panitikan, Madrigal Gonzalez Prize for Best First Book, at Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Kasalukuyan siyang associate sa UP Institute of Creative Writing, at isa ring tagasalin.

Rolando B Tolentino
Si Rolando B. Tolentino ay fakulti ng University of the Philippines Film Institute at dating dekano ng UP College of Mass Communication. Siya ay awtor ng mga libro ng kuwento, dagli, novella, sanaysay, at kritikal na pag-aaral. Siya ay fellow at direktor ng UP Institute of Creative Writing. Nakapagturo siya sa Osaka University, National University of Singapore, at University of California, Berkeley. Kasapi siya ng Manunuri ng Pelikulang Filipino, AlterMidya (People’s Alternative Media Network), at Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP).