UP Press

I am currently on vacation and products from my shop will be unavailable for next few days. Thank you for your patience and apologize for any inconvenience.

Ang Aking Gubat

600.00

ni Ellen Sicat

ISBN/ISSN: 978621090144-3
Category: Literary; Essays, Creative Nonfiction, Biography
Copyright: 2026
Pages: 236pp
Dimensions: 8 x 1 x 5 in.
Type: SB/PB

DESCRIPTION

ABOUT THE BOOK

Ang Aking Gubat ay tungkol sa isang hindi kilalang manunulat na nagtanim ng mga punongkahoy at iba pang mga halaman sa maliit niyang lote sa loob ng isang subdibisyon sa siyudad. Urban forest. Luntiang tanawin sa gitna ng sementadong siyudad. Sa kabila ng bakod ng eksklusibong subdibisyon ay ang komunidad ng kalunos-lunos at gusgusing bahayan ng informal settlers.

Tulad sa matayog na pangarap ng manunulat ang ipinatayo niyang malaking bahay sa tabi mismo ng perimeter wall ng subdibisyon. Kuntodo balcony at roof-deck ngunit hindi nakinis at napintahan. Naging kabatian niya ang ilang residente sa kabila ng bakod. Isa rito si Aling Toyang na nagsasampay ng nilabhan sa ibabaw ng kanilang bubong. Naging kapalagayang-loob at kahuntahan niya ang matanda ukol sa buhay-buhay. Ang anak ng matanda na si Rey, naging kapalitan niya ng mga halaman at kaalaman sa pag-aalaga ng mga ito. Ang malaking bahagi ng naratibo ay tungkol sa halaman at paghahalaman. Tungkol din ito sa kasiyahan ng manunulat sa pagtatanim ng mga punongkahoy at iba pang mga halaman. Sa pagmumuni habang nagtatanim, nailarawan ng manunulat na sa kabila ng bakod, iba ang pamumuhay.

Mahabang panahon ang itinakbo ng naratibo. Sinakop ang mga taong 2001–2011, kung kailan sinimulan at binalik-balikan ang salaysay. Pasaherong nakaangkas sa buhay ang mga tauhan, nadaanan ang mga pangyayari sa lipunan at bayan sa gitna ng nagbabagong panahon. Isang pakikiangkop sa panahon at paligid ng mga tauhan. Idinagdag ang tatlong huling kabanata nitong 2025 upang isama ang kasalukuyan at kailan lang na mga pangyayari. Nagkaroon ng kapansanan ang manunulat. Namamaybay siya sa pagsusulat nang nakahiga gamit ang iPad na di niya kabisado at hirap siyang gamitin. Napabayaan ang hardin na tinawag niyang kanyang gubat. Maraming puno ang nawala. Naghari ang matitibay na puno, hinigop ang lahat ng sustansiya ng lupa at sinarili ang sikat ng araw. Sa walang direksiyong pagsirit, tumaas ang mga ito at naghari ang kadiliman. Inatake ng peste ang mahihinang puno at ang maseselang ornamental. Kahit gumapang, nanatiling buhay ang karaniwan. Nag-iwan ng kaisipan: Saanmang gubat, may tunggalian. Matira ang matibay, matira ang karaniwan.

ABOUT THE AUTHOR

Si Ellen Sicat ay nahikayat magsulat dahil sa tiwala at pagkakataon na ibinigay sa kanya ng ilang manunulat. Si Marra PL Lanot, na patnugot noon ng Mr&Ms magazine na naglathala ng kanyang mga unang kuwento at tula. Marami siyang natutuhan sa mga puna at pagwawasto ni Edgardo M Reyes sa manuskrito ng una niyang nobela. Si Roland Tolentino na isinama ang una at hilaw pang 2 kuwento sa isang antolohiya. Ang paglimbag ng UP Press sa unang nobela at ang unang parangal na tinanggap mula sa Madrigal Gonzalez ang nagtulak kay Sicat na patuloy sumulat sa dapit-hapon ng kanyang buhay, sa edad na 57. Heto ang kanyang mga likha:

Tatlong nobela: Paghuhunos (UP Press 2002), Unang Ulan ng Mayo (Anvil Publications 2007), Kilapsaw (UP Press 2021)

Sanaysay Pampanitikan Ang Aking Gubat (UP Press)

Dalawang screenplay: Ang Mga Kamay at Estelle para sa 1st at 2nd Star Cinema Screenwriting Contest.

Maiikling kuwento at tula na nalathala Mr&Ms at nasama sa Diliman Review, Kuwento ng Paglusong at Pag-ahon, Lagda, atbp. Ang maiikling kuwento ay tinipon sa Alimuom (Ateneo Press 2003).

Teleplay na Choleng para sa Semana Santa ay ipinalabas sa GMA.

2 romance novels: Second Time Around at Estelle (Precious Publications).

Ngayon, sa edad na 84, sinisinop ni Sicat ang mga sinimulan. Nagpo-post siya sa Twitter, ngayon ay X, upang mahasa sa wikang Filipino.

RELATED PRODUCTS

You haven't viewed at any of the products yet.