Wagi/Sawi Mga Kwentong Luwalhati at Pighati
Sa sobrang tayog, agad lalagpak, matapos pumailanglang sa kalawakan, malulunod sa malalim na kawalan, natagpuan ang sarili subalit biglang maliligaw, matutupad ang pangarap na agad mahahatak ng pagkabigo: ganito binubuo at hinahati ang ating pagkatao. Muling nangahas ang mga kontemporaryong kuwentistang Filipino. Winner o loser, walang in-between sa mga kuwento.
Ginagalugad ang samu’t saring loob at labas ng ating uri, kasarian, sexualidad, henerasyon, relihiyon, etnisidad, lahi, pagkamamamayan at pagkabansa . Narito ang mga kuwentong bumibitaw upang maging matatag ang ating paninindigan, naghihinagpis upang makilala ang tagumpay, nalulungkot upang mangarap. Namayani man ang dalawang polaridad ng ating indibidwal at kolektibong danas, sa huli matatagpuan natin ang ating mga sarili na nilalampasan ang mga luwalhati at pighati ng ating panahon.
Tala sa mga editor
Si Rommel B. Rodriguez ay kasalukuyang guro ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Philippines Studies sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, UP Diliman. Awtor siya ng librong Lagalag ng Paglaya na inilathala ng UP Press (2011) at kasamang editor ng Transfiksyon: Mga Kathang In-transit (UP Press, 2015) at Kathang-Isip: Mga Kuwentong Fantastiko (Ateneo Press, 2011). Naging visiting research professor siya sa University of Shizuoka, Japan. Miyembro siya ng CONTEND-UP at Alliance of Concerned Teachers-Philippines. Siya rin ang kasalukuyang direktor ng UP Diliman Sentro ng Wikang Filipino.
Si Rolando B. Tolentino ay dating dekano ng Unibersidad ng Pilipinas Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla at fakulti ng UP Film Institute. Siya ay nakapagturo na sa Osaka University at National University of Singapore. Ang kanyang interes sa pananaliksik ay panitikan, kulturang popular, pelikula, at media ng Filipinas, at pinagsasanib niya ang mga isyung nasyonal at transnasyonal. Nagsusulat siya ng mga kuwento at sanaysay, at fellow ng UP Institute of Creative Writing. Siya ay kasapi ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (Filipino Film Critics Group) at ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP)