Sa Amin, Sa Dagat-Dagatang Apoy
Author: Mayette M. Bayuga
Reviewer: Lacey Ann Ramos
Unang beses ko makabasa ng isang obra sa panulat ni Ms. Mayette Bayuga, at hindi talaga ako pamilyar sa istilo ng kanyang pagkukwento. Naibigan kong piliin basahin ang kaniyang libro base sa rekomendasyon sa akin at base sa pamagat nito, “Sa Amin Sa Dagat-Dagatang Apoy.” Ano nga ba ang meron sa Dagat-Dagatang Apoy? Tanong ko sa aking sarili, at dito nagsimula ang aking pagbabasa.
Sa mga unang pahina ng aking pagbabasa, napansin ko na ang istilyo nito ay maihahalintulad sa “easy-read, leisure book,” yung libro na hindi ka mahihirapan basahin o intindihin. Gumagamit ito ng mga salita na kapag binasa mo ay para bang katabi mo lang ang may akda at kinukwentuhan ka gamit ang mga salitang madaling maintindihan (witty). May halong taglish, mga bagong terminolohiya. Habang umuusad ka sa pagbabasa, lumalabas ang mga salitang hindi kadalasan nagagamit sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan. Mga salitang tulad ng: tagulalay, nagpatirapa, etc. puro kalaunan ay nakukuha naman ang kahulugan ng mga ganitong salita sa pamamagitang ng context clues.
Malinaw ang pagpapalit ng mga eksena habang binabasa ito. Ang parte na si Blanca na ang nagsasalaysay, ang parte na bumabalik sa nakaraan si Angel at ang parte na inilalarawan ang kasalukuyang nangyayari sa kaniya.
Gumamit ang nobelang ito ng mga di pangkaraniwang mga tauhan. May pagbanggit ng mga diyosa, nimpa, aswang and kung anu-anu mang mga elementals. Para sa mangbabasa mahihinuha na ito ay isang nobelang, oo, kathang isip lamang, ngunit ang maganda sa nobelang ito ay isinasalamin ng mga nakasulat ang mga nangyari, ang mga patuloy na problema pa din ng lipunan. Habang ako ay nagbabasa ng nobelang ito, naihahalintulad ko ang mga karanasan ng ating pangunahing karakter sa aking personal na karanasan. Sa bahagi ng kanyang paghahanap ng trabaho, sa pagtatanong sa sarili kung ano pa ang mga kaya niyang gawin. Sa pagdanas ng hirap pinansyal at kung paano nito ginawan ng paraan ang mga pagsubok.
Madali ding makita ang pagtalakay ng mga isyung panlipunan–partikular tungkol sa mga kababaihan, mula sa nobelang ito. Matalinhaga ang pamamaraan niya upang maipakita ang mga isyung ito. Makikita sa nobelang ito ang pagbalik sa nakaraan at mapapansing lumipas man ang taon, madami man ang nangyari na sa lipunan, abutin man ng mga delubyo, etc, pareho, pa din, mula noon hanggang ngayon ang mga isyu na dapat ipinaglalaban. Makikita dito ang pagsasalarawan ng isyu sa kapangyarihan—mahirap vs mayaman, public school vs private school, pagsasalarawan ng isang marangyang lugar vs isang lugar lugmok sa hirap, at iba pa.
Makikita din dito ang mga ibang isyu ng kakabaihan tulad ng aborsyon, at may isang eksena na tila ba ay naharass, o parang habang saking pagbabasa ay nahinuha ko na para bang na-rape ang isang karakter, ang tila pag-abuso sa kababaihan at ang pagkawalan ng boses ng kababaihan sa lipunan (naipakita ito sa paglarawan na “nakabusal ang bibig.”)
Magaling ang pagkakasulat ng nobela, dahil naipakita nito ang kanyang ibig iparating sa mga mambabasa sa litreral at symbolic levels, kahit gumamit man ito ng folklore o mythology, makikita ang pakikipagsapalaran ng pangunahing karakter sa buhay at patuloy na paghanap nito ng kasagutan tungkol sa sarili.
Isa sa mga paborito kong mga linya sa nobela ay ito: “Kailangan managinip, para magising.” (Unang Bahagi, Chapter 5, p.46) Para sa akin, napakatalinhaga ng pangungusap na ito, yung tipong pwede mong maging “motto in life,” Dinadala tayo ng libro sa realidad na maaari kang mangarap, may karapatan kang pumili kung tutulungan mo lang ba ang mga pangrap o problema, magbubulag-bulagan sa mga pangyayari na iyong nakikita o pipiliting bumangon mula sa bangungot na sariling pagkakadena sa katotohan at gumising sa mga pagharap ng mga totoong isyu ng lipunan. Sa katagang yang parang sinasabi din na: “Ano ba ang magagawa mo para magising ang iyong kamalayan?”
Ang “gunaw” na sinasabi sa aklat na ito ay maaaring literal o figurative din. Sa aking pagkakaunawa, ang gunaw ay maaring ang mga kalamidad mula sa kalikasan na nagpapaalala sa ating mga tao na mas alagaan pa ang kaliksan. Inilarawan ang pagbaha, paglindol, pag-ulan. At ang “gunaw” din ay maaaring mangahulugan ng pag-alis ng sarili mong mga “defense mechanisms” (pagiging vulnerable) o pag gunaw ng mga lumang paniniwala o siradong mong kaisipan para mas maging lalong bukas ang iyong isipan (self-awareness) sa mga bagong ideya o paniniwala–bagong tingin sa mundo at bagong perspektibo sa mga isyu ng lipunan.
“Di mo siya hahanapin. Kusa siyang darating. Babangon… babangon… mula sa pagkagupiling. Dito kung saan magkabigkis ang kapanganakan at kamatayan… dito kung saan nananambitan ang panaginip at pangitain… dito kung saan magkasingkahulugan ang ligaya at lumbay.” (Ikaapat na Bahagi, Chapter 23, p. 195)
Lacey Anne M. Ramos