Ang Makina ni Mang Turing
Maikling Alituntunin sa Paglalaro ng Sungka
Para sa mga hindi nakakaalam kung paano nilalaro ang sungka sapagkat nahumaling na sa mga modernong laro, ang sungkaan ay may tigpipitong maliit na “bahay” na nakaayos sa dalawang magkatabing hanay. Sa dalawang dulo ng pahabang sungkaan ay may tinatawag na “malaking bahay.” Bago magsimula ang laro ay inihahanda muna ang sungkaan sa pamamagitan ng paglalagay ng tigpipitong sigay sa bawat maliit na bahay. Iiwanang walang laman ang malalaking bahay. Magkaharap na nakaupo ang mga manlalaro ng sungka. Ang hanay ng maliliit na bahay sa harapan ng bawat manlalaro ay itinuturing na sa kanya, gayundin ang malaking bahay sa kanyang kanan. Magsisimula ang laro sa pamamagitan ng sabay na pagdakot ng dalawang manlalaro ng mga sigay sa alinmang maliit na bahay sa kanilang hanay at paghahasik ng mga sigay nang tig-iisa sa mga bahay na maliit at sa kani-kanilang malaking bahay na paikot sa dirección pakanan sa kanilang hanay at pakaliwa sa hanay ng kalaban. Hindi maglalagay ng sigay sa malaking bahay ng kalaban. Kapag naubos na ang kanyang hinahasik at walang laman ang nabagsakang bahay ng pinakahuli niyang sigay ay tapos na ang kanyang turno. Maliban sa unang sabayang pagdakot ay nagsasalitan ng turno ang mga manlalaro ng sungka. Kapag pumatak ang huling sigay sa bahay na may laman ay dadamputin niya ang nilalaman nito at tutuloy sa paghahasik hanggang pumatak ang huli niyang sigay sa bahay na walang laman. Kapag pumatak ang huling sigay niya sa kanyang malaking bahay mismo ay maaaring pumili ang manlalaro ng alinman sa kanyang maliliit na bahay na mayroon pang nilalaman upang maghasik muli at ituloy ang kanyang paglaro. Sa pinakasimple nitong anyo ay matatapos ang laro kapag hindi na makakilos ang dalawang panig.
Mananalo ang manlalarong may pinakamaraming sigay na naipon sa kanyang malaking bahay.
Hinggil sa May-Akda
Si Ramon Guillermo ay katuwang na propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas–Diliman. May-akda siya ng koleksiyon ng mga tula na Agaw-Liwanag (High Chair, 2004) at tagasalin sa wikang Filipino mula Aleman ng pilosopikal na akda ni Walter Benjamin na “Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan” (Über den Begriff der Geschichte) (2013).