Pagsulong sa Dagat-dagatang Apoy ng Panulat
Author: Mayette M. Bayuga
Reviewer: Maynard Manansala
Batid ng di-bagong mambabasa ni Bayuga ang mga daigdig na una na niyang naihatid. Lumikha siya ng alternatibong arkitektura ng siyudad—inabandonang ancestral house sa likod ng dambuhalang mall—sa Sa Templo ni Tamilah. Masisilip naman ang samahan ng kababaihang nagsasagawa ng ritwal pagsapit ng hatinggabi sa isang modernong espasyo sa Halinghing sa Hatinggabi. Gamit ang genreng erotiko sa parehong akda, itinutuloy ng manunulat ang mahaba-haba na ring tunggali ng kababaihan sa panitikang Filipino. Mas lalawig pa ang continuum ng panulat ni Bayuga sa pinakabago niyang akdang Sa Amin, Sa Dagat-dagatang Apoy. Ang tanong na lang marahil ay kung ano ang karagdagang paglalangkap na tinatangka ng awtor.
Piniling isilid ni Bayuga ang naratibo ng Sa Amin, Sa Dagat-dagatang Apoy sa genreng speculative at metafiction. Naging posible ito sa karakter ni Blanca Deles, isang freelance researcher na gumagawa ng pananaliksik tungkol sa mga aswang. Agad na mahihinuhang hindi lang mambabasa ng akademya ang tangkang kausapin ng akda; bagkus, sinusuyo nito ang kamalayan ng, sinasabi ni Andre Lefevere na, di-propesyonal na mambabasa. Patunay nito ang diksiyon ng pang-araw-araw na komunikasyon. Indikasyon din ang pagturing sa panaginip, na mahalagang kasangkapan sa paghahabi ng naratibo ng akda. Sa isang punto, binanggit ni Blancang napag-aralan niya noong nasa kolehiyo sina Freud at Jung, na maaaring paanyaya sa paraan ng pagdulog sa naratibo; ngunit agad din niyang kinakabig sa pagsasabing hindi niya gamay ang mga ito. Kumbaga, inuunawa niya ang mga panaginip sa paraang inuunawa ito ng karaniwang tao.
Nagpapakita ng dunong bilang manunulat at sensitibidad sa kapwa ang ganitong pagtatakda ni Bayuga sa pagsulat ng kaniyang nobela. Dulot ng desisyong ipagbati ang metafiction sa panlasa ng di-propesyonal na mambabasa, nagkaroon ng sariwang tunog ang pagbibigay-komentaryo sa mga umiiral nang naratibo sa kolektibong karanasan o/at kamalayan ng bayan: palasak na pormulasyon ng mga karakter (9); suspension of disbelief sa kuwento ng mga lasenggo (28-29); paghahambing ng realidad sa teleserye, local man o Asianovela (29); paggasgas sa mga kuwento ng kahirapan (66); at komentaryo sa mga walang kuwentang balita, kung saan ibinibilang ang tungkol sa batang aswang (85).
Kaugnay nito, hindi rin nangangahulugang kailangang bitiwan o isakripisyo ang pagdidiskurso dahil lang sumasanib ang manunulat sa tinig ng karaniwan at pang-araw-araw. Sa suwabeng pihit ng lengguwahe, hindi matatapilok ang mambabasa sa panaka-nakang pagdidiskuro ni Bayuga sa panaginip bilang lunsaran ng naratibo. Kaya’t nasasabi ang mga pahayag, gaya ng: “Sa panaginip, hindi sukat na sukat ang lengguwahe o ang dapat sabihin” (6); “Sa panaginip, madalas, walang resolusyon sa dakong huli at maging sa katapusan” (7); at “At noon niya naintindihang kailangang managinip para magising” (46) nang hindi nalilihis—kundi may nabubuong komplementaryong relasyon pa nga—sa pag-alagwa ng naratibo ng nobela.
Sa mabisang gamit ng elementong speculative, nakabubuo si Bayuga ng hindi man talagang bago’y mas malikhaing mukha ng pakikipaglaban ng babae. Nariyan ang insidente ng noo’y bata pang si Angel Kaloloy-on na lumabas ang pagiging aswang sa pagtatanggol sa sarili laban sa pinsang nagtangkang manggahasa. Naroon din ang sariling pagsupil ni Angel sa interpretasyon ng mga panaginip; dahil may monopolyo ng interpretasyon ang boss niya sa Dream Spy na si Sir Antoine. Higit sa lahat, ang pagbabantulot ni Angel na angkinin ang kapangyarihang taglay bilang aswang—ang magpatayo ng titi.
Samantala, dahil ginawang researcher ni Bayuga si Blanca, ang karakter na nagtataglay ng perspektibo ng naratibo; hindi lang ito naging simpleng pagtupad sa kahingian ng genreng metafiction na nagpapahintulot din sa pagkokomentaryo, kundi nagiging kaparaanan din sa pagbubukas ng tradisyon o/at usapin sa produksiyon ng naratibo. Dahil gumagawa ng panayam si Bianca sa mga taga-Dagat-dagatang Apoy, maaaring tingnan ito bilang paglingon sa tradisyong oral ng pagsasakatha ng karanasan. Dulot din ng desisyong ito ng awtor, nabubuksan niya ang usapin ng makitid na separasyon at pagtitiyap ng naratibo sa realidad at naratibong katha. Nagkakaroon ito ng kulminasyon sa realisasyon ni Blancang nagsasanib ang mga tinig at karanasan nila ni Angel.
Kaugnay nito, nabibigyan niya ng bagong mukha ang sinasabing tunggali ng kababaihan. Sapagkat habang binabaklas ni Blanca ang pagkakahon sa naratibo ng babaeng aswang, mauunawaang kaisa ito sa proyektong baklasin ang mapagkahong naratibo sa babae, sa kabuuan. Mapaiigting pa ng realisasyon sa dulong ang hinahanap na lalaking birhen—na isa pang pagbasag sa estereotipo—ay nasa kaloob-looban lang ni Angel.
Lumilikha ng alternatibong lunan si Bayuga sa kaniyang Sa Amin, Sa Dagat-Dagatang Apoy. Inililibot niya ang mambabasa sa loobang namumutiktik sa mga punerarya. Ipinapasyal niya sa Abortion Road at Diyoskopo Road. Ipinakikilala sa Rich at Poor Dagat-dagatang Apoy. Sa simula, iisiping iba nga itong mundo. Ngunit sa proseso ng pagbasa, mahihinuha ng mambabasang taga-Dagat-dagatang Apoy rin siya. Sa isang banda, nagpapaalala sa prinsipyo ng Teatrong Brechtian. Kumbaga, inihihiwalay ang tumitingin sa kinagisnang milyu upang mas mapalaganap ang obhetibidad at kritikalidad sa pagsusuri sa pinagmumulang karanasan.
Sa pagbabasa ng Sa Amin, Sa Dagat-dagatang Apoy ni Mayette M. Bayuga, aahon ang mambabasang taglay ang mas pinatatag na kamalayan patungkol sa babae, pagsasanaratibo at pagbabasa.