WAGI/SAWI: Mga Kwentong Luwalhati at Pighati
Author: Rolando Tolentino at Rommel Rodriguez
Reviewer: Jay Jombit Quintos
Sa Pagitan ng Luwalhati at Dalamhati
Kung pagbabatayan ang pinag-aangkop-angkop na magkakaibang morpema o anyo ng salita, sinasabing lumilikha ito ng kahulugan na may kabuuang mensahe na bahagi ng karanasan ng tao at mundo. Tingnan, halimbawa, ang salitang dalamhati, na ang ibig sabihin ay pakiramdam ng matinding lungkot. Kapag pinag-aralan ang rekonstruksyon ng salitang dalamhati, malalaman na nahahati ito sa dalawang morpema: ang “dalam” na ang katumbas sa mga wika sa Pilipinas ay “lalim” o kaya’y “alila’t alipin ng isang kabuhayan”; at “hati” na nangangahulugan namang “atay” (Paz 2008, 148-149). Kung gayon, maaaring ipagpalagay na ang konstruksyon ng dalawang morpemang “dalam” at “hati” ay bumubuo ng salita na ang kahulugan ay nagpapahiwatig ng matindi at malalim na pakiramdam ng kalungkutan.
Kung titingnan naman ang rekonstruksyon ng salitang luwalhati o ang pakiramdam ng kaligayahan at kasiyahan, binubuo ito ng mga morpemang “luwal” at “hati” (Paz 2008, 150). Ang “luwal” ay maikakabit sa pagpapakahulugan na “pagsilang”, “paglitaw”, at “paglabas”, ibig sabihin, may panibagong damdamin na iniluluwal, isinisilang, lumilitaw, at lumalabas mula sa kaibuturan ng kalooban, sa hati o atay. Nagdudulot ang estado ng damdamin na ito ng lubos-lubos na rikit at ningning ng kaligayahan.
Mahalagang sipatin na ang diwa ng dalamhati at luwalhati ay sinasabing nagmumula sa pinakamalalim na sentral na pandamdam sa kulturang Filipino, sa “atay”. Sa kosmolohikal na disenyo ng daigdig, sinasabing pangkaraniwan ang pakiramdam ng kalungkutan at kaligayahan. Ipinapalagay na may iba-ibang salik ng daigdig na nagdudulot ng pakiramdam ng dalamhati at luwalhati. Sa pasyon, luwalhati ang binabanggit na pakiramdam nang muling mabuhay si Hesus at bumaba mula sa paraiso sa langit. Sa kultura ng mga Teduray, pighati at pagdurusa ang pakiramdam ng gutom at kawalan ng ani (Schlegel 1989, 19). Sa modernong pagpapakahulugan, iba-iba rin ang kulay at anyo ng dalamhati at luwalhati. Nguni’t papaano nga ba binibigyang hugis ng modernong daigdig ang mga pakiramdam na ito? Sa isang bansang may kalabisan at kakulangan, labis-labis ang kakulangan at labis-labis din ang kalabisan, saang lunan at espasyo nga ba imamapa ang dalamhati at luwalhati?
Sa ikaapat na antolohiya ng kolaborasyon nina Rolando B. Tolentino at Rommel B. Rodriguez na Wagi/Sawi: Mga Kuwentong Luwalhati at Pighati (UP Press, 2016), sinasagot ang bugtong ukol sa batis at ugat ng dalamhati at luwalhati sa kontemporaryong daigdig. Ayon sa mga editor, “sa pamamagitan ng salita, nahuhuli ang pinakamaiilap na katotohanang bumabagabag sa ating pang-araw-araw na buhay”. Sa mga nakalap na maikling kwento, ipinapalagay na hinubog ang mga ito ng “komplikasyong dulot ng mga kontradiksyong panlipunan” (x). Sa ganitong pagsipat, sa espasyo ng interbensyon sa agos ng daigdig na tadtad ng kontradiksyon iminamapa ng mga editor ang mga panulat sa antolohiya.
Binubuo ang antolohiya ng dalawampu’t tatlong maikling kwento na mayroong iba’t ibang anyo, paksa, at tema. Mayroong nasa anyo ng dagli, mayroong nag-eksperimento sa estilo at estruktura, at mayroon ding sumunod sa tradisyunal na anyo ng maikling kwento.
Sekswal at Senswal sa Panulat
Limang kwento mula sa antolohiya ang masasabing nakatuon sa sekswal at senswal na naratibo. Tinitingnan ang katawan bilang siyudad na may kakayahang makaramdam ng dalamhati at pighati. Lunan din na itinuturing ang katawan ng nais at nasa na kakambal ng isip at gawa.
Sa “MSM” ni Jayson V. Fajardo, inilalahad ang naratibo ng konbersasyon ng nagdidigmaang utak, puso, at ari ng dalawang indibidwal, sina Mabait at Matalino, sa isang lipunang patuloy na naninimbang at mapaghati. Ang mapanuring mata rin ng lipunan ang sinusubukang talakayin ng kwentong “Birthday” ni Isaac Ali V. Tapar kung saan isinalaysay ang sekswal na naratibo ng isang lalakeng guro at ang luwalhati sa nakaw na sandaling humihiwalay ito sa dikta ng lipunan upang matugunan ang nasa ng katawan. Tungkol naman sa domestiko at senswal na karanasan ng ritwal at bitbit na rikit at galak nang tamang paghuhugas ng tasa ang tuon ng dagli ni Bernadette Villanueva Neri na “Losa”. Ang melodramatikong akda naman ni Nonon Villaluz Carandang na “Si Darna, si Wonderwoman, Kanino si Batman?” ay pumapaksa sa buhay ng tatlong magkakaibigan simula pagkabata hanggang pagkawala ng kanilang kamusmusan. Ginamit na talinghaga sa kwento ang mga larong pambata na kalauna’y pasakalye lamang sa pagkakahantad nila sa reyalidad ng buhay. Tulad ng mga melodramatikong pelikula at palabas sa telebisyon, pighati rin ang kinahantungan ng mga karakter sa kwento. Ang “Nando” naman ni Emmanuel T. Barrameda ay tungkol sa pinaghalong tamis at pait ng pakiramdam ng isang lalake dahil sa isang babaeng labis-labis ang nararamdamang poot at paghihiganti. Sa isang banda, susuungin ng bidang lalake ang buhay ng pagiging bagong ama, ngunit, sa kabilang banda, nawala na sa kanya ang simbolo ng kanyang pagkalalaki.
Indibidwal na Danas sa Samu’t Saring Kontradiksyon
Hindi maihihiwalay ang diskurso ng sarili sa danas ng luwalhati at dalamhati, kaya’t litaw na litaw rin sa antolohiya ang mga panulat tungkol sa karanasan ng indibidwal sa kalabisan at kakulangan ng daigdig. Sinusubukan ng ilang naratibo na punan ang puwang sa pamamagitan nang paglikha ng alternatibo na maaaring maging daluyan ng galit, tuwa, inis, kabaliwan, at pagkamamamayan.
Tunghayan, halimbawa, ang kuwentong “Borador” ni Maki Lim na naglalahad sa proseso nang kasawian at pagwawagi sa paglikha ng isang manunulat sa mga pangyayari at karakter na kanyang nililikha sa pagitan ng imahinasyon at karanasan. Pinapaksa naman ng “Kwanter at Ako” ni Mark Angeles ang ginagawang eskapismo ng isang binata ang birtwal na laro ng counter strike upang makalimutan ang pang-araw-araw na danas ng pangungulila. Hinahamon naman ni Tilde Acuña sa kanyang “Nang May Humamon Sa Kwento” ang anyo ng naratibo ng kwento at buhay ng indibidwal at kanyang panulat na lagi’t lagi’y sumusunod lamang sa tradisyunal na naratolohiya kaya’t kung minsa’y nauuwi sa pagkawasak ng lahat. Sa “Huling Dalawang Minuto” naman ni Rachel Valencerina Marra, isinasaysay ang karanasan ng bidang karakter na naiipit sa pagitan ng hindi umuusad na trapiko at nalalabing minuto sa pinapanood na laro ng basketbol. Sumisilip sa kwento ang nakaambang pangitain ng kamatayan ng karakter na tinatakasan at tinatakbuhan ang reyalidad. Nasa anyo naman ng bukas na liham para sa isang dayuhang manunulat ang kwentong “Sulat kay Borges” ni John Barrios. Tinatalakay ng kwento ang muling pagbisita at rebisyon ng ilang historyador sa kasaysayan gamit ang mito at personal na karanasan ng bansa.
Pait at Tamis ng Pag-ibig
Bagama’t ang bawat kuwento sa antolohiya ay pumapaksa sa iba-ibang hugis at anyo ng pag-ibig, tatlong kuwento ang nakatuon sa ligaya at lungkot na hatid ng romantikong pag-ibig. Bahagi ng danas ng indibidwal sa daigdig ang relasyon ng pag-ibig at katawan, pag-ibig at lipunan, at pag-ibig at kalikasan.
Nakapaloob sa kategoryang ito ang kwento ni Chuckberry Pascual na “Gabriel at Alejandro” na pumapaksa sa magkasintahang lalake at ang pagsusumikap nilang mabuhay at sustentuhan ang kanilang pag-iibigan sa pamamagitan ng ilang serye ng krimen. Ginamit na talinghaga ang “krimen” para ilarawan ang iba-ibang pangyayari na nakapaloob sa araw-araw na buhay na hatid ng lipunan at moralidad. Ang “Pag-ibig sa Panahon ng Kapitalismo” naman ni Nino Calalang ay tungkol sa danas ng isang manunulat na nagninilay-nilay sa unti-unting paglaho ng usok ng hinihithit na sigarilyo na kasabay din nang paglaho ng iniirog. Nakalunan ang kwento sa lipunang aampat-ampat dahil sa mahabang kasaysayan ng pandarahas at modernisasyon. Sa “Unang Halik” naman ni U Z. Eliserio, tinatalakay ang unang karanasan sa halik at pag-ibig ng isang binata na naiipit sa pagdidigmaan ng striktong pamilya at mga naratibo ng krimen.
Trahedya ng Paggawa at Trahedya ng Kapangyarihan
Sa diskurso ng paggawa at kapangyarihan, hindi maiaalis ang pakiramdam ng luwalhati at dalamhati. Malawak ang naratibo ng trahedya sa lunan ng trabaho, lupang sinasaka, bahay na tinitirahan, at marahas na estado, at hindi ito basta-basta maihihiwalay sa danas ng indibidwal. Lumilikha ng siwang ng lungkot ang opresyon at pagsasamantala sa kapangyarihan, at lagi’t lagi, ang mga nasa ibaba sa tatsulok ng lipunan ang nagiging biktima nito.
Sumusunod sa nakagawiang naratibo ng babaeng ginagahasa ang “Arlene” ni Rey Manlapaz Tamayo, Jr.. Isinasalaysay sa kwento ang pandarahas sa kababaihan sa pamamagitan nang panggagahasa ng may hawak ng kapangyarihan. Ganito rin ang paksa ng “Job Interview” ni Mar Anthony Simon dela Cruz, ang paghahanap ng trabahong ikabubuhay ng pamilya ay nauwi rin sa pananamantala ng mga may kontrol sa kapangyarihan. Pinagsasanib naman ni Maricristh T. Magaling ang lumbay at tamis sa kwentong “Tempo” na tungkol sa buhay ng mga manggagawa sa pabrika. Mayroong dayalektika ng emosyon sa kwento, ang tamis nang pagiging regular sa trabaho at ang pighati sa unti-unting paglusaw ng pabrika sa emosyon ng manggagawa. Sa “Tiket” naman ni Soliman A. Santos, inilalahad ang kwento ng mangangalakal ng basura na araw-araw tumataya sa lotto sa pag-asang yumaman at makauwi sa bayang pinanggalingan.
Bagama’t ilang beses nang ginawang paksa ang dalumat ng kapangyarihan sa mga paaralan, binabalikan ni Marlon Lester sa kwentong “Sections” ang puntong ito. Tinatanaw sa kwento ang paaralan bilang lunan ng tunggalian ng kapangyarihan at pagkakahati-hati sa kasarian, intelektwal na kapasidad, at estado sa buhay. Ang labis na panatisismo naman sa kapangyarihan at salapi ang inihahaing kwento ni Shur C. Mangilaya sa “Kapit-Tuko”. Bunsod ng pagkahumaling sa materyal na bagay, pumasok sa ilegal na transaksyon ng pagbebenta ng eksotikong hayop ang bidang karakter sa kwento ngunit sa huli, trahedya ang kinahinatnan nang pagiging kapit-tuko sa kapangyarihan. Maituturing naman na etnograpiya ng sakuna ang kwentong “Relip” ni German Gervacio. Sumusunod ang kwento sa elemento ng sanaysay na dokumentasyon ng pangyayari matapos ang trahedya ng bagyo. Binabaybay ng kwento kung papaano nga ba nagiging instrumento ang pagkakawanggawa sa pagpapatuloy ng pandarahas ng mga may hawak ng kapangyarihan.
Ang Modernisasyon ng Maikling Kwentong Filipino
Tatlong maiikling kwento mula sa antolohiya ang nangibabaw batay sa angking estilo at naratibo. Malayo sa nakagisnang maikling kwento sa Pilipinas, binabasag ng tatlong akda ang tradisyunal at kumbensyunal na panuntunan at banghay sa pagkukwento.
Tila isang dumadaloy na tubig sa ilog ng kamalayan ng bidang karakter ang naratibo ng “Taong Lobo” ni Vladimeir Gonzales. Nagmumuni-muni ang karakter sa kanyang propesyonal at personal na danas bilang guro, manunulat, at mangingibig sa isang daigdig na nakasandig sa pader ng hapis at ligaya ng moralidad at tradisyonal na kaugalian. Hinati-hati ang kwento sa maiigsing alaala na siyang humuhubog sa kabuuang naratibo nito. Sa huli, may kaganapan nang pagkaunawa na ang lahat ay alaala na lamang, mga alaala na nawawala at mayroong natitira para sa sarili at ibang tao.
Isang tagpo naman nang pagkabilanggo at paglaya ang binabaybay ng kwentong “Kandado o Silid #1” ni Carlo Pacolor Garcia. Naglalatag ng instruksyon ang bidang karakter ng kwento sa kung papaano niya maaaring ikandado ang pintuan ng kanyang silid upang hindi na muling manakawan ng gamit. Nguni’t ang pagkandado niya sa silid ay nangangahulugan din nang pagkabilanggo niya sa loob lamang nito, malayo sa pighati ng mundo sa labas. Sa huli, ang lahat ay nauuwi sa nagbabanggaang pader nang pagkabilanggo sa silid at paglaya sa pighati ng mundo at sa pagiging malaya sa silid at pagkabilanggo sa labas nito.
Tulad ng kwento ni Garcia, hindi rin sumusunod sa tradisyunal na banghay ng kwento ang “Balang-araw, Magigising Kang Isa Nang Halaman” ni Christian Tablazon. Natatangi ang akda tungkol sa paglikha at pagtuklas sa hiwaga ng mundo mula sa mga tao na nakikilala, matatamis na pagtangis, mapapait na panaginip, at walang kasiguraduhan na paglalakbay sa mga daang walang pangalan.
Patunay ang tatlong maiikling kwento na malayo na ang narating ng maikling kwento mula sa hawla na nagkukulong lamang sa indibidwal na danas hanggang sa nagdidigmaang retorika ng art for art’s sake at malay na panitikan. Mahaba ngunit makabuluhan ang naging pagbagtas ng maikling kwento mula sa naunang dagli hanggang sa maiikling sugilanon sa iba-ibang rehiyon sa Kabisayaan at Kamindanawan. Unti-unti, dahan-dahan, lumalaya na mula sa talinghaga ng mga bituin at takipsilim ang akda ng mga manunulat at handa na itong pumalaot bitbit ang bagong anyo at estetika na malayang sinasagot ang bugtong ng Sarili, Iba, Kalikasan, at Daigdig.
Sa kasaysayan ng maikling kwento sa Pilipinas, masasabing lumilikha ng siwang ang antolohiya nina Tolentino at Rodriguez sa pagmamapa sa lunan ng luwalhati at dalamhati na nakaugat sa bitbit na kontradiksyon ng daigdig. Higit sa lingwistikal na pagpapakahulugan sa salita, ang mismong karanasan na hinuhubog din ng iba’t ibang hugis at kulay ng reyalidad ang siyang magpapatunay sa bitbit na emosyon nito. Malayo na nga ang narating ng maikling kwentong Filipino, ngunit, inaasahan ang mas mahaba pang daan na kailangan nitong bagtasin at ang mga luwalhati at dalamhati na kailangang suungin na lagi lamang nariyan, nakatanghod at nag-aabang, sa bawat tibok at pintig ng puso at pulso.