Ambagan 2011 Mga Salita Mula sa Ibat-ibang Wika sa Filipinas
Kailangang maitanghal ang Filipino bílang wika ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ng mga wika sa buong kapuluan. Ito ngayon ang pinangangatawanan ng Ambagan. Hindi lámang ito pagbibigay-puwang upang mailahok sa wikang pambansa ang mga salita na may kultural na partikularidad sa etnolingguwistikong pangkat na pinagmumulan. Higit sa lahat, isang pagpapalawak at pagpapatatag ito ng pagkilala at pagpapahalaga sa ating kulturang pambansa. Sa isang paraan, nalulusaw ang hanggahan ng barangay, bayan, o lalawigan upang mapasanib at mapatampok sa dalumat na pambansa. Sa kabilang dako, ang lalong masaklaw na dalumat pambansang ito ay positibo, nakaaabot, at patas na nakaaapekto sa lahat ng bahagi ng kapuluan. Sa paliwanag nga ni Dr. Galileo S. Zafra, “sa pagpasok ng ambag na salita mula sa ibang wika sa Filipinas, higit na makikilala ang iba’t ibang kultura ng mga Filipino, at sa proseso, kolektibo ring nabibigyang-hugis ang ating pagka-Filipino at ang ating pagkabansa.”
Ang mga Editor
Si Michael M. Coroza ay kasalukuyang Associate Professor sa Kagawaran ng Filipino, School of Humanities, Ateneo de Manila University, nagtuturo ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Pagsasaling Pampanitikan sa kolehiyo at gradwadong paaralan. Hawak niya rin sa nasabing pamantasan ang Rev. Horacio de la Costa, S.J. Endowed Professorial Chair in History and Humanities. Premyadong makata at mananaysay, nakamit niya noong 2007 ang Southeast Asia Writers Award (SEAWRITE Award) mula sa Kaharian ng Thailand.
Si Galileo S. Zafra ay Propesor ng mga kurso sa Panitikan at Wikang Filipino sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Sa kasalukuyan, Visiting Professor siya sa Graduate School of Language and Culture ng Osaka University. Nagtuturo siya doon ng mga kurso sa wika, panitikan, at kulturang Filipino sa mga mag-aaral na Hapones sa antas na batsilyer at gradwado. Abala rin siya ngayon sa pananaliksik sa iba’t ibang aspekto ng tanawing pangwika sa Kamaynilaan.