Ambagan 2013 Mga Salita Mula sa Ibat-ibang Wika sa Filipinas
“Anupa’t ang proyektong Ambagan ay isang kongkretong interbensiyon upang maisakatuparan ang atas ng Konstitusyon. Ipinahihintulot sa kumperensiyang ito ang presentasyon ng mga katangi-tanging salita at karunungang nása mga wikang katutubo at wala sa Tagalog/Pilipino. Marami pang ibang paraan. Ngunit kailangang pag-isipan natin. Kailangang iproyekto natin. Ito lamang ang paraan upang masunod ang atas ng Konstitusyon. Payamanin natin ang wikang Filipino sa pamamagitan ng mga karunungan at karanasang nakaimbak sa mga katutubong wika ng Filipinas. Higit kaysa ibang sangkap pangwika, ito ang hinahanap at inaasahan ng Konstitusyon na iaambag natin sa wikang Filipino.”
VIRGILIO S. ALMARIO
Pambansang Alagad ng Sining
Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino
Ang Editor
Si Michael M. Coroza ay kasalukuyang associate professor sa Paaralan ng Humanidades ng Pamantasang Ateneo de Manila, nagtuturo ng panitikan, malikhaing pagsulat, pagsasaling pampanitikan, at mga araling pangwika sa kolehiyo at gradwadong paaralan. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Philosophy sa Unibersidad ng Santo Tomas, Master of Arts in Literature sa Ateneo de Manila, at Doctor of Philosophy in Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Hawak niya ngayon sa Ateneo de Manila ang Rev. Fr. Horacio de la Costa, S. J., Endowed Professorial Chair in History and Humanities. Siya ang kasalukuyang sekretaryo heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).
Bilang manunulat, walong ulit na siyang nagkamit ng mga pangunahing gantimpala sa mga kategoryang Tula, Sanaysay, at Maikling Kuwentong Pambata sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Mahalagang ambag sa kontemporaneong panulaang Filipino ang kaniyang mga aklat ng tula na Dili’t Dilim (1997) at Mga Lagot na Liwanag (2002) na kapuwa inilathala ng UST Publishing House. Itinuturo ngayon sa mababang paaralan ang kaniyang mga kuwentong pambata na Imbisibol Man ang Tatay (Lampara Books, 2009), Ang mga Kahon ni Kalon (Lampara Books, 2010), at Ang mga Lambing ni Lolo Ding (Adarna House, 2012). Nalathala ang kaniyang mga kritikal na pag-aaral sa wika at tula sa mga pambansa at pandaigdigang journal na akademiko gaya ng Bulawan Journal of Arts and Culture, Daluyan, Philippine Studies, Unitas, at Malay Indonesian Studies. Naisalin sa Ingles at Bahasa Melayu ang ilan sa kaniyang mga tula at nalathala sa The 35th Anniversary S.E.A.Write Award Anthology (2013), Sounds of Asia (2011), The SEAWRITE Anthology of Short Stories and Poems (2008), Antologi Puisi dan Kemanusiaan (2004), at ASEANO: An Anthology of Poems from Southeast Asia (1995).
Tinanggap niya mula sa maharlikang pamilya ng Thailand ang Southeast Asian Writers Award (SEAWRITE) noong 2007. Mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), tinanggap niya ang Gawad Balagtas noong 2005, at mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), tinanggap niya ang Ani ng Dangal Award noong 2009.