Canuplin at iba pang mga akda ng isang manggagawang pangkultura
Isang mayamang kaban ng malikhaing akda, ayon kay Dr. Bienvenido L. Lumbera, at isang paglalagom ng mga karanasan, ayon kay Dr. Reuel Molina Aguila, ang Canuplin at iba pang mga akda ng isang manggagawang pangkultura ay binubuo ng mga tula, isang maikling kuwento, at mga dula na nasulat sa madilim na panahon ng martial law. Mga akda ito na lumilikha ng mga aninong hanggang sa kasalukuyan ay nagmumulto, “Mga Gunita ng Hindi Pag-unlad” na humihiwa ng malalalim na gatla sa noo ng Ynangbayan.The works of Manny Pambid prove his identity as a passionate people’s theater warrior. They illuminate historical and social realities with a glow that is both harshly precise and poetically sensitive. As a theater artist colleague in a partnership that traversed almost three decades, I bear witness to his consummate commitment to truth and beauty and generosity of heart as he has sheperded younger playwrights in their search for an original and innovative Philippine dramaturgy for the theater.Lutgardo L. LabadDapat ipagdiwang ang pagkakalimbag ng librong ito, pagkat narito na, sa wakas, ang permanenteng testamento ng pagiging makata at mandudula ni Pambid. Noong dekada 1970 hanggang 1980 nang nagsisimula nang mamukadkad ang mga orihinal na dula sa Filipino, napanalunan ni Pambid ang isa sa sampung pantay na gawad mula sa unang paligsahan ng Palihang Aurelio V. Tolentino. Kinilala ang kanyang Buhay Batilyo, hindi lamang sa masinop na pananaliksik kundi sa madamdaming paglalahad, sa unang pagkakataon sa ating entablado, ng pakikibaka ng mga batilyo sa mga pondohan ng Navotas. Ilang taon pagkatapos, nang kinikilala na si Pambid bilang isa sa mga batikang artista at trainor ng PETA, ipinagbunyi ang kanyang pinakamasining na obra, ang Canuplin, na gumamit ng isang mapanuri at marubdob na estilo, para isiwalat ang dilema ng isang artistang Pilipino sa ilalim ng mga bagwis ng kolonyalismong Amerikano. Sa bawat pahina ng librong ito, madarama ng bumabasa ang nagbabagang talim ng isang kamalayang makatao at maka-Pilipino.Nicanor G. TiongsonSi Manny Pambid ay makata, mandudula, tagasalin, direktor at aktor sa teatro, guro, at manggagawang pangkultura.
Tala ukol sa May-akda
Si Manny Pambid ay nagtapos ng elementarya sa St. Scholastica’s Elementary School sa Singalong, Maynila, at ng hay iskul sa Our Lady of Guadalupe Minor Seminary sa Makati. Nag-aral siya ng AB Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City, at ng two-year Diploma Course on Spirituality sa Istituto Francescano di Spiritualità-Pontificio Ateneo Antonianum sa Rome, Italy.
Isa siyang premyadong makata at mandudula. Nagwagi ang kanyang mga tula sa timpalak pampanitikan ng Cultural Center of the Philippines at ang kanyang mga dula sa timpalak ng Palihang Aurelio V. Tolentino at Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Nailathala ang kanyang mga tula at dula sa mga publikasyon ng Unibersidad ng Pilipinas, Ateneo de Manila University, at Cultural Center of the Philippines. Ang kanyang sinulat na papel na “Paano nga ba ang PETA Play (O Ano nga ba ang Play na Matatawag na Petang-peta)” ay nailathala online noong 2010 sa Kritika Kultura, a refereed electronic journal of literary/cultural and language studies na inedit ni Dr. Maria Luisa Torres-Reyes ng Ateneo de Manila University.
Naging fellow siya ng UP Writers’ Summer Workshop noong 1974 at staff/fellow ng unang Palihang Aurelio V. Tolentino Playwriting Workshop nang taon ding iyon. Dumalo siya bilang kinatawang manunulat mula sa Pilipinas sa Intercultural Conference on Asia Africa and Latin America (AALA) noong 1981 sa Kawasaki, Japan.
Isang senior artist-teacher siya ng PETA (Philippine Educational Theater Association), kung saan siya’y naging mandudula, tagasalin, direktor, aktor, guro, at lider-manedyer. Pagtuturo ng playwriting, pagdidirek ng mga dulang pangkomunidad, at pagtataguyod ng national theater movement, lalo na noong mga huling taon ng martial law, ang naging pangunahing advocacy niya bilang isang manggagawang pangkultura. Kaugnay ng gawain niya sa PETA siya’y nakapaglakbay sa ilang bansa sa Asya, North America, at Europa.
Nakapagtrabaho rin siya sa ilang proyekto ng Outreach at Dramatic Arts ng Cultural Center of the Philippines (CCP); Committee on Dramatic Arts ng NCCA (National Commission for Culture and the Arts); Dalubhasaan sa Edukasyon, Sining at Kultura (DESK) ng PHSA (Philippine High School for the Arts); Baglan Art and Culture Initiatives, Inc. for Community Development; at Alyansa, Inc.
Noong Setyembre 21, 2004, isa siya sa mga tumanggap ng Pagkilala para sa Serbisyong Pangkultura, Sining at Komunidad mula sa CCP Outreach and Exchange Program sa ika-25 taong anibersaryo nito.