Isang Gabi sa Quezon Avenue at Iba Pang Kuwento
Ang mga tsismoso’t tsismosa ang unang nagkuwento sa akin. Sila ang aking Lola Basyang, ang una kong mga guro. Sila ang nagturo sa akin ng mga bagay na hindi ko natutuhan sa loob ng klasrum. Dinala ako ng mga chikador at chikadorang ito sa mundong pinaghaharian hindi ng mga aswang o tikbalang o kapre, kundi ng mga taong lumalapastangan ng kapwa. Ipinakita nila sa akin kung sino ang kakampi at kaaway at kung ano ang tunggaliang namamagitan sa mga inaapi at nang-aapi.Itinatanghal sa Isang Gabi sa Quezon Avenue at Iba Pang Kuwento ang tsismis bilang isang gawaing bumabangga sa kaayusang pilit pinananatili ng mga nasa kapangyarihan. Tinangkang pangibabawin sa mga kuwento ang boses ng karaniwang tauhan—jeepney driver, saleslady, kasambahay, corporate slave, showbiz writer, nagsisimulang artista sa telebisyon, OFW, guro, estudyante, magsasaka, militante. Makikita rito kung paano pinaiikot ng namamayaning kaayusan ang maliliit at kung paano hamunin ng mga marhinalisado ang puwersang ito sa pamamagitan ng pagsagap at pagpapalaganap ng tsismis.
Tungkol sa May-akda
Ipinanganak sa Buenavista, Santiago City, Isabela, si Mar Anthony Simon dela Cruz. Nagkamit siya ng Ikatlong Gantimpala para sa Maikling Kuwento sa 2012 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Nalathala sa UBOD New Authors Series II ang unang koleksiyon niya ng maikling kuwento. Kasalukuyan siyang resident fellow ng University of Santo Tomas (UST) Center for Creative Writing and Literary Studies. Naging fellow rin siya ng IYAS National Creative Writing Workshop at Palihang Rogelio Sicat para sa maikling kuwento sa Filipino. Nagtapos siya ng BA Aralin sa Sining at MA Filipino: Malikhaing Pagsulat sa University of the Philippines (UP) Diliman. Nagtuturo siya ngayon ng Filipino sa UST at tinatapos ang kanyang doktorado sa Pagsasalin sa UP Diliman.