Kundiman sa Gitna ng Karimlan Piniling mga Tula
Ang wika ay isang matinding larangan ng pakikibaka ng mga uri, lakas, at iba’t ibang sektor ng lipunan sa bawat yugto ng kasaysayan. Sa balangkas at prosesong umuugit sa mga salita nakaugat ang paraan ng interpelasyon ng mambabasa/nakikinig upang maging sabjek na sumusunod sa naghaharing orden, o tumututol at lumalaban. Sa gayon, sandatang politikal ang likhang-sining sa larangan ng digmaang ideolohikal. Ito ang saligan ng mga tulang kalakip dito: sining para kanino? Naniniwala ang makata na makatutulong ang panulat sa progresibong kilusan tungo sa pambansang demokrasya. Inaasahan ng awtor na kahit anumang paksa o tema, estilo o estruktura, talinghaga o sagisag, ay maaaring gamitin upang makisangkot at lumahok sa pagpapasiya kung sino—kapitalismong global/imperyalismo o sambayanang proletaryo’t katutubo—ang magtatagumpay sa wakas. Interbensiyon ito sa pagbabago ng kasaysayan. Adhikain ng librong ito ang tumulong sa pagtatamo ng kalayaan, kasaganaan, katarungan, at dignidad ng bawat tao sa ating bansa at sa buong mundo. Nawa’y makaabot sa sinumang handang makibaka.
Tungkol sa Awtor
Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. San Juan Jr. ay dating fellow ng W.E. B. Du Bois Institute, Harvard University at research fellow in the Humanities sa Harry Ransom Center, University of Texas, Austin, Texas, USA.
Siya’y awtor ng maraming libro, kabilang na ang Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press), Sapagkat Iniibig Kita (University of the Philippines Press), Tinik sa Kaluluwa; Rizal In Our Time (Anvil Publishing), Alay Sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo University Press), Salud Algabre (University of San Agustin Publishing House), Balikbayang Mahal: Passages from Exile, at Sutrang Kayumanggi (LuLu.com), Ulikba (UST Publishing House), Mahal, Magpakailanman, at Bukas, Luwalhating Kay Ganda (Philippines Cultural Studies Center).
Inireprint kamakailan ng UP Press ang kalipunan ng mga panunuring pampanitikan niyang Toward a People’s Literature. Ang ilang bagong libro niya ay Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston (Lambert), In the Wake of Terror (Lexington), Critique and Social Transformation (Mellen) at US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave).
Naglingkod bilang Fulbright professor of American Studies sa Katholieke Universiteit Leuven, Belgium; fellow, Center for the Humanities, Wesleyan University; at visiting professor ng literatura sa National Tsing Hua University, Hsinchu, Taiwan. Kamakailan, naging Residential fellow siya ng Rockefeller Foundation Study & Conference Center sa Bellagio, Italya. Kasalukuyang director ng Philippines Cultural Studies Center sa Connecticut, USA, at katulong na patnugot ng maraming journal tulad ng Atlantic Studies, Left Curve, Cultural Logic, Kultura Kritika, Malay, at iba pa. Kasapi siya sa American Civil Liberties Union, American Studies Association, Democratic Socialists of America, at Modern Language Association of America.