Musika sa Kasaysayan ng Filipinas
Hindi matatawaran ang kahalagahan ng kasalukuyang aklat. Tinangka rito ni Dr. Raul C. Navarro sa unang pagkakataon na saliksikin at ilahad ang buong kasaysayan ng musika sa Pilipinas at ng Bayan ng Kapilipinuhan noong panahon ng transisyon mula sa kolonyang Kastila tungo sa unang isa’t kalahating dekada ng Okupasyong Amerikano na pinagdugtong ng Himagsikang 1896 at Republika ng Malolos (1890–1913). Mahalaga ngunit masalimuot na gawain ito na ramdam na ramdam naman ng may-akda. Napatunayan na nito ang kanyang kakayanan upang isagawa ito nang masinsinan. Nasulat na niya ang tungkol sa naging pag-aanyo ng musika noong panahon ng batas militar. Napatunayan din ito ni Dr. Navarro sa bahagi ng libro na tumatalakay sa panahon mula 1914 hanggang 1972; gayundin, mula EDSA Uno hanggang sa kasalukuyan. Ang buong dantaong ito ay masasabing dantaon ng “sinisikap” na integrasyon ng nakaraang pag-aanyo ng musikang Pilipino (bago 1914) sa kasalukuyang oryentasyong Kanluranin at “internasyonal,” oryentasyong lipos ng pag-aalala hinggil sa “katutubo” at “sinaunang” musika. Binabati ko si Dr. Navarro sa kanyang makabuluhang pagpapasimuno sa isang gawaing esensiyal sa ating pang-unawa at pag-unawa sa sarili bilang isang kabuuang sosyopolitikal na lahi na may natatanging musika na malalim ang kasaysayan.–Zeus A. Salazar, PhDRetiradong Propesor ng Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas Diliman
Tungkol sa May-akda
Si Dr. Raul Casantusan Navarro ay kasalukuyang ganap na propesor, kalihim ng UP Kolehiyo ng Musika, at tagapangulo ng gradwadong programa nito. Nakamit niya ang kanyang doktorado sa Pilipinolohiya mula sa UP Kolehiyo ng Arte at Literatura noong 2004. Nagtapos siya ng masterado noong 1999 at batsilyer sa musika sa choral conducting (magna cum laude) noong 1996 mula sa UP Kolehiyo ng Musika. Nagtapos din siya ng kanyang batsilyer sa music education (cum laude) noong 1990 at associate degree sa piano noong 1989 mula naman sa Santa Isabel College Manila.
Ginawaran si Dr. Navarro ng UP Artist Award noong 2009 hanggang 2011 at noon ding 2014 hanggang 2016. Natanggap niya ang pagkilala ng UP Alumni Association noong 2011 sa gawad na UP Distinguished Alumni for Culture and the Arts.
Kinilala na rin si Dr. Navarro para sa iba’t ibang gawain. Bilang manunulat, natanggap niya ang National Book Award, History Category, noong 2008 para sa kanyang aklat na Kolonyal na Patakaran at ang Nagbabagong Kamalayang Filipino: Musika sa Publikong Paaralan sa Filipinas, 1898–1935. Binigyan din ng pagkilala ng Unibersidad ng Pilipinas ang aklat sa Gawad sa Pinakamahusay na Publikasyon sa Filipino, Kategoryang Orihinal na Saliksik, noon ding 2008. Ang kanyang ikalawang aklat, Musika at Bagong Lipunan: Pagbuo ng Lipunang Filipino, 1972–1986, ay nahirang bilang finalist sa National Book Award, Social Science Category, noong 2015. Natanggap din niya ang UP Diliman Centennial Professorial Chair noong 2008 at 2015 para sa mga binanggit na aklat.
Bilang choral conductor ng UP Vocal Ensemble-SIC Singers, itinanghal sila bilang Kampeon sa Kategoryang Folkloric sa 2008 Busan Choral Festival na ginanap sa Busan, South Korea. Nanalo din sila ng medalyang tanso para sa Kategoryang Mixed Choir. Siya ang music director ng Vox Angeli Children’s Choir nang hinirang silang kampeon sa Children’s Choir Category sa 2008 Hong Kong International Youth and Children’s Choir Competition kung saan nanalo din sila ng medalyang pilak sa Kategoryang Folkloric. Kaugnay nito, naimbitahan silang kumanta kasama ang artistang si Jacky Chan sa isang programa sa telebisyon sa China para sa 2008 Beijing Olympics.
Noong 2013, nagwagi si Dr. Navarro bilang best conductor mula sa Philippine Civil Service Government Choral Competition kung saan itinanghal na kampeon ang kanyang grupo na Bangko Sentral Singers. Noong 2006, ginawaran siya ng pagkilala ng Santa Isabel College sa Sentrong Pangkultura ng Filipinas bilang Outstanding Choral Educator.
Ikinumpas na niya ang mga orkestra ng Unibersidad ng Pilipinas (2010) at Santa Isabel Conservatory of Music (2009–2010, 2014–2015). Naging guest conductor din si Dr. Navarro ng Bangkok Music Society noong 2013 at 2014 para sa pamaskong konsiyerto nito na parehong ginanap sa Christ Church, sa Bangkok, Thailand.