Pag Mabilis Na Umalis Baka Di Naman Talaga Dumating
Sa ikatlong koleksyon ng maikling kwento ni Rolando B. Tolentino, ang mga iglap ay hitik sa kwento ng paglisan, pagdating, di pagbalik, pag-aantay, paglagi—pero parating puno ng pagtatagpo. Ang eksena ng tagpuan ay enkapsuladong sandali at sityo ng mga realidad, fantasya, angas, labis at kulang sa historikal, panlipunan, sarili, kapwa, kabalintunaan, paradox, pagnanasa, at pagdanas.
Pag-ibig ang puno’t dulo gayong malawak at malalim ang pagdanas sa aspirasyonal na spero ng buhay na ito. Umiibig tayo kanino, ng ano, saan, kailan, bakit, paano, at para kanino—na bawat isa ay may kanya-kanyang pagmumundo at minumundo ng pag-ibig. Umiibig nga ba tayo talaga, o umiibig lang tayo sa idea na umiibig tayo, umiibig pa tayo, iibig at iibigin tayo?
Ang Pag Mabilis na Umalis Baka Di Naman Talaga Dumating, at Iba Pang Kwento ay isang musa ng pagdanas at mundo ng mga iglap na hitik at said sa pag-ibig, pagkatao, at pakikipagkapwa-tao. Lipad-sadsad para sa posibilidad at pagkakataong makaalagwa at pag-asang magtagumpay.
HINGGIL SA MAY-AKDA
Si Rolando B. Tolentino ay fellow at direktor ng UP Institute of Creative Writing. Nagsusulat siya ng kwento at sanaysay.
Naging dekano ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa Unibersidad ng Pilipinas, siya ay fakulti ng UP Film Institute. Nakapagturo na siya sa Osaka University, National University of Singapore, at University of California, Berkeley. Ang kanyang interes sa pananaliksik ay panitikan, kulturang popular, pelikula, at media sa Filipinas, at pinagsasanib niya ang mga isyung nasyonal at transnasyonal.
Kasapi siya ng AlterMidya (People’s Alternative Media Network), Manunuri ng Pelikulang Pilipino, at Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Ang Pag Mabilis na Umalis Baka Di Naman Talaga Dumating, at Iba Pang Kwento ang kanyang ikatlong koleksyon ng maiikling kwento.