Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon: Mga Pagtatapat at Pahayag ng Pananampalataya
Naiiba sa mga karaniwang koleksiyon ng mga sanaysay ang librong ito. May mga koleksiyon ng tinatawag na personal na sanaysay (personal essay); ang ibang libro ay katipunan ng mapanuring sanaysay (critical essay). Ayon sa awtor, ang kanyang mga sanaysay sa librong ito ay may dalawang tinig: personal (nagkukuwento at nagkukuwento), at mapanuri (nagmamasid, nagsusuri, nagninilay). Agimat at sandata niya ang lawak at lalim ng kaisipan, kaalaman, at karunungang nahuhugot, nasasandalan niya bilang isang likas na palabasa mula pagkabata hanggang maging estudyante, hanggang sa kasalukuyan bilang manunulat at propesor—at siyempre pa, agimat at sandata rin niya ang sariling pananaw at pananampalataya, gayundin ang kanyang mga personal na danas.
–FANNY A. GARCIA, kuwentista at mananaysay
Ang Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon ay isang lawas ng mga personal na pagtatapat ng isang kaluluwang nagsusumikap at nagpupumiglas kilanlin ang kaniyang sarili batay na rin sa mga karanasang humahamon sa kaniya. Sa pamamagitan ng literatura, nakikipagdiyalogo ang may-akda sa kaniyang pananampalataya, nagtatanong, nagpoprotesta, sinusubukang iugnay rito ang mga katanungan ng kaniyang buhay. Inirerekomenda ko sa lahat ang akdang ito ni Louie Jon A. Sánchez, na di lamang nagpapakita ng kaniyang natatanging talento sa pagsulat kundi nagpapasilip din sa kaniyang loob sa pamamagitan ng pagninilay sa mga kuwento ng kaniyang buhay. Sa pagbasa nito, tayo man ay makapagmumuni, mapapaisip, mapapangiti, maluluha, at muling makaaalaala sa halaga ng ating pagkatao.
–JERICHO NATIVIDAD, teologo at editor
©2016