Pagpasok sa Eksena: Ang Sinehan sa Panitikan at Pag-aaral ng Piling Sinehan sa Recto
Hinihila tayo ng aklat sa madilim na mundo ng sinehan upang bigyang-liwanag ang ilang aspekto ng masalimuot na ugnayan ng kasarian, seksuwalidad, at espasyo. Sa matiyagang saliksik gamit ang metodong tekstuwal at etnograpiko, at matalisik na suring nakasandig sa araling pangkultura’t kabatirang nilinang ng mga Filipinong iskolar, matagumpay na naitanghal sa pag-aaral ang sinehan bilang espasyong homoseksuwal at kung paanong sa pamamagitan nito ay nakikipagtunggali sa dominante ang mga bakla. Ngunit ipinapaalala rin: ang mas mapagpasiyang pakikitunggali tungo sa paglaya ay nasa pagmumuni’t pag-alam sa mga kondisyon kung bakit kailangang mamalagi ng mga homoseksuwal sa madidilim na espasyo tulad ng sinehan. Sa matapang na paggalugad ni Pascual sa sinehan bilang larang ng pag-aaral, umuukit din siya ng mas malaking espasyo upang mag-ambag sa pagbabalikwas ng mga bakla sa lipunang Filipino.
—Galileo Zafra