Peryodismo Sa Bingit Mga Naratibong Ulat Sa Panahon Ng Digmaan At Krisis
Iilan ang peryodista na may control sa paghamig ng salita at ng kapangyarihan nito, lalo na sa stilong new journalism (bagong peryodismo) na nagbabadya ng atm (at the moment) na coverage. Mula sa tradisyong pinasimulan ni Jose F. Lacaba at inilangkap sa Filipino’t inanyong personal na sanaysay ni Ricardo Lee, iniluwal ang mga akda ni Kenneth Guda: mga kwentong inetsapwera ng namamayaning midya, nananatiling napapanahon, may politikal na interes, may pinag-uugatan at pinagsasangahang advokasi, kaisa ng midya at sambayanang naghahangad ng struktural na pagbabago.
-Rolando Tolentino
Propesor, manunulat, at kritiko
Dumadaloy ang mga istorya at nagbabago sa bawat kuwento ang ritmo ng mga salita ni Kenneth. Halos pampelikula ang mga imahen pero puno ng pampulitikang leksiyon na gustong ibahagi ng may-akda. Ito ay mahusay na pamamahayag tungkol sa mga daigdig na hindi pinapansin o kaya’y binibigyan lang ng kaunting pansin ng mainstream media.
-Inday Varona
Mamahayag
Hindi maitatanggi ang kahalagahan ng alternatibong media sa mundo ng pamamahayag, partikular sa Pilipinas kung saan kabalintunaang makitid ang sakop na mga paksa at estilo ng mainstream media. Sa nagbabagong larangan ng pamamahayag bunsod ng nakalululang daluyong ng impormasyon sa Internet at social media, lalong natatangi ang papel ng narrative journalism sa wikang Filipino. Bukod sa pagbibigay-lalim at konteksto sa araw-araw na balita, isa itong makabuluhang paraan ng pagtatala ng kasaysayan. Narito ang isang larawan ng ating panahon, sa sipat ng progresibong lente ni Ginoong Guda.
-Atom Araullo
Mamahayag, ABS-CBN 2
TALA HINGGIL SA MAY-AKDA
Si Kenneth Roland A. Guda ay punong patnugot ng Pinoy Weekly. Labindalawang taon na siyang nagsusulat, nag-eedit, nagdidisenyo, at naglilitrato para dito. Minsan ding kinober ni Kenneth ang Batasan Pambansa at Malakanyang beats, maliban pa sa pagkober ng di-mabilang na rali, demolisyon, fact-finding missions, at kumperensiya, sa Pilipinas at minsan na rin sa ibang bansa. Ikinararangal din niyang maging Board Member ng PinoyMedia Center, Inc., isang nongovernment organization na naglalayong mag-ambag sa demokratisasyon ng pamamahayag sa bansa. Dati rin siyang features editor ng Philippine Collegian, ang opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City. Sa eskuwelahang ito, kumuha siya ng kursong Geology, Philosophy, Creative Writing, at Malikhaing Pagsulat (sa madaling salita, palipat-lipat ng kurso). Ang tanging bisyo lang niya ay bumili ng libro sa BookSale at manood ng pelikula.