Selda Dos (Manila City Jail)
Minsan, dumarating sa buhay ng tao ang pagsubok na susukat sa kaniyang katatagan. Sa isang hindi inaasahang pagkakataon, naranasan kong makipagsapalaran sa masalimuot at mapanlinlang na mundo bilang kawani ng gobyerno. Sa hangaring makalaya sa maling paratang at paghusga ng taumbayan, napilitan akong harapin ang mga pangyayaring puno ng karahasan at panganib.
Nakagawa man ng labag sa batas o biktima ng kawalan ng katarungan, kailangan kong harapin ang paratang na ito kahit alam ng Diyos na wala akong kasalanan. Maihahalintulad ko sa isang bangungot ang masadlak sa kulungang walang rehas na bakal na naging dahilan para muli akong atakehin ng nervous breakdown.
Sa pakiramdam ko, naglaho na ang aking mga pangarap at nawasak ang buhay. Ngunit hindi ako sumuko upang makamit ang minimithing katarungan kahit kinailangang manatili ako ng ilang buwan sa sulok ng mundong itinuring ko na isang bangungot—ang Selda Dos ng Manila City Jail!
BOBBY V. VILLAGRACIAMay-akda
Ang May-akda
Ipinanganak ang may-akdang si BOBBY V. VILLAGRACIA sa Labo, Camarines Norte noong ika-5 ng Agosto 1958. Ikalawa siya sa siyam na anak, limang babae at apat na lalaki ng mag-asawang Lorenzo Asis Villagracia Sr. at Preciosa Jamito Villaluz. Ayon sa ina niyang si Preciosa, nagkaroon ng hindi pagkakaunawan sa kanilang pamilya at asawa sa pagbibigay ng pangalan kaya ipinatala siya ng pamilya Villagracia-Asis sa Local Civil Registry ng Labo sa pangalang Vergelio at ipinatala naman ng pamilya Villaluz-Jamito sa Simbahang Katoliko sa pangalang Robert.
Dahil sa pangyayari, tinawag ang may-akda sa palayaw na Billy ng pamilya Villagracia-Asis at Bobby ng pamilya Villaluz-Jamito na nagdulot ng kalituhan sa musmos niyang isipan. Sa pagnanais niyang matuto ng pagsusulat sa murang edad, itinuro ng kaniyang ina ang pagsulat ng pangalang Bobby dahil maikli at madaling matutuhan. Simula noon, ito na ang pangalang ginamit niya sa paaralan at trabaho.
Nagtapos siya ng elementarya sa Tulay na Lupa Elementary School at hayskul sa Tulay na Lupa National High School Nag-aral siya ng kolehiyo sa Mabini Colleges, Daet, Camarines Norte.
Nagsimula siyang magsulat sa komiks noong huling bahagi ng taong 1983. Sa paglipas ng panahon, natutuhan din ni Villagracia na sumulat ng iba pang uri ng akda tulad ng nobelang prosa sa pocketbook, maikling kuwentong prosa, at nobelang prosa. Sumulat din siya ng mga lathalain, tula, gumawa ng crossword puzzle sa mga magasin, tabloid, at ilang aklat sa malikhaing pagsulat sa iba’t ibang palimbagan sa Metro Manila. Karamihan sa mga akda niya ay sa Filipino ngunit nagsusulat din paminsan-minsan si Villagracia sa Ingles.
Ang unang kuwento sa komiks ni Villagracia ay ang “Minsan May Isang Pag-ibig” na nailathala sa Lovelife Komiks ng GASI Publications. Samantala, The Executor naman ang una niyang maikling nobela na nailathala sa Action Komiks ng Atlas Publications. Ang una niyang nobela na Muling Magbabaga ang Punglo ay nailathala sa King Komiks ng Atlas Publications.
Bilang isang malikhaing manunulat, nakamit ni Villagracia ang ikalawang karangalang banggit sa kanyang nobelang prosang Trahedya sa patimpalak AIDS Media Award 1999. Natamo naman niya ang unang karangalang banggit para sa maikling kuwento niya sa komiks na Minsan Lang mula sa AIDS Media Awards 2000 kung saan siya naipadala sa Bangkok, Thailand para sa programang lakbay-aral bilang bahagi ng premyong napanalunan.
Matapos pansamantalang makalaya ang may-akda sa Selda Dos ng Manila City Jail at manirahan ng mahigit isang taon sa Bayan-bayan at Tulay na Lupa ng Labo, Camarines Norte, nagbalik siya sa Kalakhang Maynila upang ipagpatuloy ang malikhaing pagsusulat.