Sikolohiyang Pilipino Teorya, Metodo at Gamit (Reprint)
Ang AklatAng sikolohiyang Pilipino ay sikolohiyang bunga ng karanasan, kaisipan, at oryentasyong Pilipino. Mayaman ang batayan nito sa kultura, wika, diwa, pananaw, lipunan at kasaysayang Pilipino. Ang sikolohiyang Pilipino ay sistematiko at siyentipiko sa pagkuha ng kaalaman sa pamamagitan ng mga katutubong metodong naaangkop sa karanasan ng mga Pilipino. May malaking gamit ang agham na ito sa iba’t ibang aspeto ng buhay-Pilipino, tulad ng pagsasaka, paggugubat, industriya at edukasyon. Sinasaklaw ng dalawampu’t siyam na papel sa akat na ito ang teorya, metodo, at gamit ng sikolohiyang Pilipino.Layunin ng katipunan ng mga papel na ito ang magsilbing sanggunian upang mapaunlad ang antas ng iskolarsip sa larangan ng sikolohiya at araling Pilipino. Inaasahan ding makapag-aambag ito sa ikalalawak at ikalalalim ng kaalaman sa agham panlipunan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa isang sikolohiyang makabuluhan para sa mga Pilipino.
Ang May-AkdaSi Rogelia Pe-Pua ay Head of School (2007-2011) at Associate Professor ng School of Social Sciences and International Studies sa University of New South Wales sa Australia.Nagtapos siya ng PhD sa Pilipinohiya (1988), Master sa Sikolohiya (1981), at Batsilyer sa Agham sa Sikolohiya (cum laude, 1977) sa Unibersidad ng Pilipinas.Siya ay dating Associate Professor sa Sikolohiya sa UP kung saan nagturo siya ng labinlimang taon (1977-1992) bago siya nag-migrate sa Australia.Si Rogee ay kabalikat sa pagtatatag at pagpapaunlad ng Sikolohiyang Pilipino (SP) mula pa noong 1974, sa ilalim ng pagtuturo at paggabay ng yumaong “Ama ng Sikolohiyang Pilipino” na si Dr. Virgilio Enriquez. Aktibo niyang pinalaganap ang SP sa pamamagitan ng pagtuturo sa UP sa undergraduate at postgraduate na antas; at sa pamamagitan ng pananaliksik at gawaing pang-organisasyon, sa ilalim ng Akademya ng Sikolohiyang Pilipino (Philippine Psychology Research and Training House) at ng Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino na katulong niyang itinatag.Una niyang inilathala ang koleksiyon ng mga artikulo sa Sikolohiyang Pilipino: Teorya, Metodo at Gamit noong 1982 at maka-ilang beses na inilimbag ng UP Press. Ginagamit ang aklat sa maraming unibersidad at kolehiyo sa Pilipinas.Sa Australia, nanatili sa akademya si Rogee kung saan nagawa niyang ituro ang patanong-tanong, pagkapa-kapa, at mga makabuluhang metodong kros-kultural sa mga estudyante niya sa klase sa metodo ng pananaliksik. Ipinagpatuloy din niya ang pananaliksik sa katutubong sikolohiya, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa ibang bansa rin, katulad ng Taiwan at Japan. Bukod sa pagtuturo, isa rin siyang aktibong mananaliksik sa larangan ng akulturasyon, pagkakaiba ng kultura (cultural diversity), at iba pang isyu sa sikolohiyang kros-kultural.Dalawa sa pinakamahalaga niyang lathalain tungkol sa SP sa nakaraang sampung taon ay ang artikulong “Sikolohiyang Pilipino: Legacy of Virgilio Enriquez” na nalathala sa Asian Journal of Social Psychology noong 2000 (vol. 3 (1), pp. 49-71, kasamang may akda si Elizabeth Marcelino); at ang kabanatang “From Decolonizing Psychology to the Development of a Cross-Indigenous Perspective in Methodology: The Philippine Experience” na lumabas sa Indigenous and Cultural Psychology: Understanding People in Context noong 2006 na pinamatnugutan nina U Kim, KS Yang, at KK Hwang (New York: Springer, pp. 108-137).