Transfiksyon Mga Kathang In-Transit
Tayo’y mga manlalakbay sa kani-kaniyang panahon. Baon ang mga salita’t imahinasyon na kailangang itala gamit ang malikhaing isipan. Lunan ng Transfiksyon ang iba’t ibang anyo ng pakikipagsapalaran sa malalawak at makikitid na espasyo, sa kawalan, sa panaginip, sa nakaraan, at hinaharap.
Narito ang mga kuwentong lumikha ng mga bakas na hindi na mabubura. Sakop ng mga akda ang simula’t katapusan ng likhang realidad. May mga paglutang, ang iba’y lumilipad, o kaya’y sinasagwan ang isip upang makabuo ng naratibong magsisilbing giya sa mga kasabayang manlalakbay.
Heto na ang Transfiksyon ng ating mga kuwentistang Filipino. Tiyak na mag-iiwan ng pananda sa pagtahak ng ating mga daliri sa pagitan ng bawat pahina.
About the editors
Si Rolando B. Tolentino ay dekano ng Unibersidad ng Pilipinas Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla at fakulti ng UP Film Institute. Siya ay nakapagturo na sa Osaka University at National University of Singapore, naging distinguished visitor ng UC-Berkeley at UCLA Southeast Asian Studies consortium, at tumanggap ng Obermann Summer Research Fellowship. Ang kaniyang interes sa pananaliksik ay panitikan, kulturang popular, pelikula at media ng Pilipinas, at pinagsasanib niya ang mga isyung nasyonal at transnasyonal. Siya ay tumanggap ng UP Artist 2 Productivity Award, UP Centennial Professorial Chair, National Book Award (Manila Critics Circle), at Writer’s Prize (National Commission for Culture and the Arts). Nagsusulat siya ng kwento at sanaysay, at fellow ng UP Institute of Creative Writing. Siya ay kasapi ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (Filipino Film Critics Group) at ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP).
Nagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat si Rommel B. Rodriguez sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Aktibo siyang kasapi ng CONTEND-UP at Alliance of Concerned Teachers-Philippines (ACT Philippines). Awtor siya ng librong Lagalag ng Paglaya na inilathala ng UP Press (2011), kasamang editor ng Kathang-Isip: Mga Kuwentong Fantastiko na inilathala naman ng Ateneo Press (2011), at naging Fellow ng UP National Writers Workshop 2013. Kasalukuyan siyang Coordinator ng UP Diliman Office of Student Activities. Siya rin ay Palanca Awardee sa Maikling Kuwento.